Naalarma si Senate President Pro Tempore Loren Legarda sa pahayag ng United Nations Children’s Fund (UNICEF) na nangunguna ang Pilipinas sa dami ng mga batang nawalan ng tahanan dahil sa mga kalamidad tulad ng bagyo at pagbaha.
Sa pahayag ng UNICEF, tinawag nito ang Pilipinas bilang epicenter ng krisis.
Sinabi ni Legarda na dahil palaging tinatamaan ng kalamidad ang Pilipinas, dapat ikunsidera ang bilang ng mga maapektuhang bata sa pagpaplano ng bansa sa pagtugon sa kalamidad.
Hinimok din ng mambabatas ang local government units na tiyaking ang paghahanda sa kalamidad ay naayon sa mga karapatan ng kabataan at naglalayong bawasan ang panganib para sa kanila.
Sa report ng UNICEF, maituturing ang Pilipinas na may pinakamataas na child displacements dahil sa bagyo at baha sa buong mundo na umabot sa 9.7-M.
Tinaya rin sa 2.5-M bata sa buong bansa ang posibleng mawalan ng tahanan sa gitna ng mga storm surges sa susunod na 30 taon. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News