![]()
Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagde-deploy ng mga pulis sa isang komunidad sa Camarines Sur matapos mabasa ang sulat ng labing-isang taong gulang na batang babae na idinetalye ang harassment na naranasan nito at iba pang mga bata mula sa isang opisyal ng barangay.
Sinabi ng Pangulo na naiyak siya at labis na nagalit pagkatapos niyang basahin ang sulat.
Tiniyak ni Marcos na maipagpapatuloy ng bata ang pagbabasa at pag-aaral nito, at nangakong tutulong pati ang mga kasama nito sa kanilang mga pangangailangan.
Sa dalawang pahinang ulat, isinalaysay ng bata na ni-rape ng anak ng barangay official ang isa sa kanyang mga kasamahan sa non-profit mission.
Nabuntis umano ang biktima at dinukot ng barangay official para ipa-abort ang nasa sinapupunan nito.
Hindi na pumasok sa paaralan ang biktima matapos muling gahasain.
Inakusahan din ng batang sumulat ang local official ng pananakot, sa pamamagitan ng pagputol ng supply ng kuryente at tubig, at pagsira at pagnanakaw sa kanilang mga pananim.
Marami aniya sa mga pamilya ang hindi makaahon dahil pinahihirapan silang mabuhay ng mga nasa gobyerno.
