Hinimok ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga Pilipino na maging responsable sa pagboto at protektahan ang integridad ng Halalan 2025.
Sa video message na inilabas kahapon, bisperas ng eleksyon, binigyang diin ng Pangulo na karapatan at tungkulin ng bawat Pinoy ang pagboto.
Aniya, isa itong oportunidad upang marinig ang bawat tinig at maipahayag ang pangarap na mahalaga para sa kanilang sarili at sa bayan.
Pinayuhan din ni Marcos ang mga botante na piliin ang mga kandidatong tapat, may malasakit, at tunay na may kakayahan na magsilbi sa publiko.
Hinikayat din ng Punong Ehekutibo ang mga kandidato sa eleksyon na irespeto ang proseso ng halalan, at tapusin ito ng may dangal at katahimikan.