Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Local Water Utilities Administration (LWUA) na panagutin ang mga palpak na water district at ang kanilang joint venture partners.
Sa kanyang ikaapat na State of the Nation Address (SONA) kahapon, sinabi ng Pangulo na marami ang nagreklamo sa mahinang suplay ng tubig, na nakaapekto sa anim na milyong consumer sa bansa.
Ayon sa Pangulo, gumagawa na ng hakbang ang LWUA upang mapabuti ang serbisyo ng tubig para sa milyun-milyong residente at gawing abot-kaya ang singil.
Dagdag pa ni Marcos, marami pang proyekto ang nakalatag ang pamahalaan para mapabuti ang suplay ng tubig sa bansa.
Isa sa mga inirereklamo ng mga consumer ay ang serbisyo ng PrimeWater, na pag-aari ng pamilya Villar. Kabilang sa mga lugar na saklaw ng kanilang operasyon ay Batangas, Cavite, Bulacan, Pampanga, Pangasinan, Cabanatuan, Tarlac, Camarines Norte, Subic, at iba pa.