Makikipagpulong si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kay Cambodian Prime Minister Hun Manet at iba pang business leaders sa kanyang state visit sa Cambodia mula Setyembre 7 hanggang 9.
Ayon sa Malacañang, bibisita si Pangulong Marcos kasama si First Lady Liza Araneta-Marcos bilang tugon sa imbitasyon ni Cambodian King Norodom Sihamoni.
Isasagawa nina Marcos at Hun Manet ang bilateral meeting upang talakayin ang mas malawak na kooperasyon sa paglaban sa transnational crimes, pagpapalakas ng connectivity, at pagpapaunlad ng iba pang key sectors gaya ng agrikultura, higher education, turismo, at cultural cooperation.
Magkakaroon din ang Pangulo ng roundtable dialogue kasama ang matataas na business leaders mula sa Pilipinas at Cambodia upang tukuyin ang karagdagang mapagkukunan ng goods at mapalawak ang market access sa pagitan ng dalawang bansa.
Nakatakda ring makipagtagpo si Marcos sa Filipino community sa Cambodia upang personal na magpasalamat sa kanilang kontribusyon sa economic at socio-cultural development ng Pilipinas at Cambodia.