Hindi dapat ihambing ang sitwasyon ng impeachment nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Vice President Sara Duterte.
Tugon ito ni Palace Press Officer Undersecretary, Atty. Claire Castro, matapos tanungin kung parehong proseso ang susundin sakaling kasuhan ng impeachment ang Pangulo.
Sinabi pa ni Castro na nasa kamay ito ng Kamara at wala namang ginastos si Pangulong Marcos na ₱125 million sa loob lamang ng 11-araw.
Nagta-trabaho rin aniya nang maayos ang presidente at nag-a-account nang naaayon sa batas.
Idinagdag ni Castro na walang notice of disallowance na inisyu laban sa Office of the President.
Matatandaang nabigo si dating National Youth Commission Chairperson Ronald Cardema at misis nitong si Marie, na maghain ng impeachment complaint laban kay Marcos bunsod ng pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte noong Marso.