![]()
DAPAT paghandaan na ng gobyerno ang posibleng pangmatagalang epekto ng tumitinding tensyon sa Middle East kasabay ng pagtaas sa 2.4 percent ng inflation rate nitong Pebrero.
Ayon kay Senador Sherwin Gatchalian, ang pagtaas ng inflation ay nagpapakita ng pangangailangan na maagap na kumilos ang pamahalaan upang mapigilan ang posibleng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, lalo na kung patuloy na tataas ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
Nanawagan si Gatchalian sa Department of Trade and Industry at Department of Agriculture na higpitan ang pagbabantay sa suplay at retail prices ng mga pangunahing produkto sa merkado.
Binigyang-diin pa ng mambabatas na dapat maging handa ang dalawang ahensya na pigilan ang anumang hindi makatarungang pagtaas ng presyo at pananamantala ng ilang negosyante upang maprotektahan ang kapakanan ng mga ordinaryong mamimili.
Idinagdag pa ng senador na mahalagang matiyak na may sapat na suplay ng mga pangunahing bilihin at mahigpit na mabantayan ang presyo nito upang hindi agad maramdaman ng publiko ang epekto ng mga kaganapan sa pandaigdigang merkado.
