Kinundina ni Cagayan de Oro City Second District Representative Rufus Rodriguez ang China sa direktiba nito sa Chinese Coast Guard (CCG) na ikulong ang mga papasok sa kanilang inaangking teritoryo sa West Philippine Sea.
Ayon kay Rodriguez, sa Chinese Coast Guard Order No. 3 na nilabas nitong Hunyo 14, nakasaad na simula Hunyo 15, 2024 ay iiral ang Regulation on Administrative Law Enforcement Procedures para sa Coast Guard Agencies.
Ang utos na ito ay wala umanong basehan na batas, bagkus ito ay tahasang paglabag sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at sa 2016 Arbitral Tribunal Ruling na kumatig sa Pilipinas.
Sinabi ni Rodriguez na ang pagbangga, pananakit at pagsira ng China Coast Guard sa barko ng Pilipinas sa Ayungin Shaol ay bahagi ng pagsunod sa direktiba ng Beijing.
Giit pa ni Rodriguez, bakit pagbibintangan na nanghihimasok ang Philippine Navy vessels sa Ayungin Shaol, gayung napakalapit nito Palawan at pasok ito sa 200 nautical miles Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas.
Sa mga ginagawa umano ng China, sila ang nagpapalala ng sitwasyon sa South China Sea at bumubulabog peace, stability at prosperity sa rehiyon.