dzme1530.ph

Pangalan ng mga umano’y sangkot sa ₱6.8B shabu shipment, ibinunyag

Humarap na sa hearing ng Quad Committee sa Bacolor, Pampanga ang dating intelligence officer ng Bureau of Customs na si Jimmy Guban.

Sa kanyang testimonya, ibinunyag nito ang mga pangalan ng sangkot umano sa bilyong pisong shipment ng iligal na droga noong 2018.

Tinukoy nito ang mga pangalang Paolo “Pulong” Duterte, Mans Carpio, Michael Yang, at Benny Antiporda.

Ayon kay Guban, sangkot ang mga pangalan na kanyang binangit sa ₱6.8-billion na halaga ng shabu na inilagay sa magnetic lifters na nailusot sa Manila International Container Terminal.

Inamin ni Guban na bago siya tumistigo noon sa Senate Blue Ribbon Committee, ay may kumausap sa kanya at inutusan siyang huwag banggitin ang mga pangalan dahil magkakaibigan sila at mga taga Malacañang.

Binantaan din umano ang kanyang buhay at tinakot na dudukutin ang kanyang anak na alam ang kinaroroonan.

Sinabi ni Guban na yan ang dahilan kung bakit pinalabas niya na si P/Col. Eduardo Acierto ang nasa likod ng shabu shipment, pero kanya na itong binawi sa korte.

Si Guban ay dumating sa Bacolor na guwardiyado ng mga pulis, naka bullet proof vest at nakasuot ng kevlar helmet.

Hiniling din nito sa Quad Comm na bigyan siya ng immunity from prosecution, ilagay sa kustodiya ng Kamara o kaya ay sa Witness Protection Program dahil nasa panganib na umano ang kanyang buhay.

About The Author