Inaasahan ng Senado ang pagdalo ng 11 kongresistang kasapi ng panel of prosecutors para sa impeachment trial kay Vice President Sara Duterte, sa kanilang open session sa June 2 o sa pagbabalik sesyon ng Kongreso.
Sa plenary session, kailangang basahin ng mga kongresista ang articles of impeachment na kanilang inihain laban sa Bise Presidente.
Sinabi ni Senate Spokesperson Atty. Arnel Bañas na sa ngayon ay wala pa silang natatanggap na written confirmation o written notice sa pagdalo ng mga kongresista.
Subalit mayroon na aniyang written acknowledgment si House Speaker Martin Romualdez na natanggap na nila ang sulat ni Senate President Francis Escudero para sa imbitasyon sa panel of prosecutors.
Sa sulat ni Escudero, ipinabatid na sa plenary session sa June 2 dapat mabasa na ang articles of impeachment upang kinabukasan, June 3, ay magkoconvene na ang Senado bilang impeachment court.
Ipinaliwanag ni Bañas na kailangang humarap ng congressmen-prosecutors sa Lunes dahil kailangan ito upang masimulan na ang impeachment trial.
Kasabay nito, nilinaw ng opisyal na hindi naman obligado ang mga kongresista na dumalo sa pagko-convene ng Impeachment court sa June 3.