Sinegundahan ni Sen. Grace Poe ang panawagan ng ilang kongresista na ipagpaliban ang October 1 rollout ng cashless toll plazas.
Sinabi ni Poe na bago magpapatupad ng multa sa mga motorista, dapat munang tiyakin ng mga ahensya at operators na lahat ng kanilang device ay maasahan at hindi sumasablay.
Sa ngayon aniya marami pa ring motorista ang patuloy na nagrereklamo sa kanilang mga RFID na hindi agad nababasa sa pagdaan sa mga toll plaza kaya nauuwi sa manual scanning at nagreresulta sa pila ng mga sasakyan.
Ang RFID device ay hindi rin nagpapakita ng balanse kaya’t hindi malaman ng mga motorista kung magkano pa ang kanilang pondo.
Muling iginiit ni Poe ang kanyang katanungan kung ano na ang nangyari sa pangakong magkakaroon na ng iisang RFID sa lahat ng tollways.
Idinagdag ng senadora na dapat magkaroon pa rin ng lane para sa cash payments para sa mga hindi inaasahang pangyayari.
Ipinaalala ni Poe na nararapat na bigyan ng dekalidad na serbisyo ang mga motorista kapalit ng kanilang mga ibinabayad. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News