Mistulang kinontra ni Senator Chiz Escudero ang naging suhestyon ni Senate President Juan Miguel Zubiri na i-boycott ang mga produkto at kumpanya ng China na nasa bansa.
Sinabi ni Escudero na dapat ay maghinay-hinay ang lahat sa mga ganitong hakbangin bilang tugon sa tensyon sa West Philippine Sea.
Ayon kay Escudero, dapat timbangin kung sino ang mas apektado kapag ginawa ang naturang hakbang.
Sinabi ng senador na ang mga proyekto sa bansa na may Chinese contractors ay inutang o kung hindi man ay aid o tulong ng China sa bansa.
Bukod dito, 33% ng ating mga inaangkat na produkto ay galing China na ibig sabihin 1/3 ng kinukunsumo sa Pilipinas ay galing ng China at 16% ng iniluluwas na produkto ng bansa ay dinadala sa China.
Taliwas naman ito sa China na wala pang 1% ang import sa Pilipinas at wala pa sa 2% ang kanilang exports sa bansa.
Kung gagawin aniya ang mas praktikal na pagkalas bilang trading partner ng China ay dapat na matiyak na mura rin ang produkto na ating makukuha at isaalang-alang din ang mga Pilipinong posibleng mawalan ng trabaho. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News