dzme1530.ph

Panawagan sa pagbabalik ni Rep. Zaldy Co, tumitindi sa gitna ng anomalya sa 2025 budget

Loading

Dumarami na ang bilang ng mga kongresistang nananawagan kay Ako Bicol Party-List Rep. Elizaldy Co na umuwi na sa bansa.

Si Co, dating chairman ng House Committee on Appropriations noong 19th Congress, ay isinasangkot sa bilyong pisong “insertions” sa 2025 General Appropriations Act.

Ayon kay House Deputy Speaker Janette Garin, hindi na umano pangkaraniwan ang kontrobersiyang idinidikit sa pangalan ni Co kaya oras na para sagutin niya ang mga isyu.

Maging si presidential son at House Majority Leader Sandro Marcos ay nagsabi na matagal nang nadadawit ang pangalan ni Co sa mga maanomalyang flood control at ghost projects, kaya’t dapat na rin itong umuwi at ipaliwanag ang kanyang panig.

Nagbabala rin si Marcos na baka matulad si Co kay dating Rep. Arnulfo Teves, na sinibak matapos imbestigahan ng House Ethics Committee dahil sa absenteeism.

Ganyan din ang hamon ni Deputy Speaker Ronaldo Puno na sinabing marami na ang nadadamay sa isyu.

Kapwa naghahanap din kina Co sina Navotas Rep. Toby Tiangco at Bacolod City Rep. Albee Benitez upang maipaliwanag ang kontrobersiya kaugnay ng “small committee” na pinamunuan nito noong 19th Congress.

About The Author