Tiniyak ni Sen. Ronald dela Rosa na hindi pagbuo ng private army ang target niya sa ginawa niyang panawagan sa mga retiradong pulis at sundalo na magbigay ng seguridad kay Vice President Sara Duterte.
Kinumpirma ni dela Rosa na marami nang tumugon sa kanyang panawagan subalit iginiit na gagamitin lamang ang mga ito sa panahon ng emergency.
Binigyang-diin din na sa ngayon ay sapat pa naman ang natitirang security detail kay Vice President Sara.
NIlinaw din ni dela Rosa na hindi bibigyan ng armas ang mga volunteer security kaya’t ang panawagan niya ay para sa mga marunong sa hand to hand combat kung kakailanganing ipagtanggol ang Bise Presidente.
Muling binigyang-diin ni dela Rosa na mataas ang panganib sa buhay ng Pangalawang Pangulo dahil tulad ng kanyang ama ay matindi rin ang kanyang paglaban sa New People’s Army na sa ngayon ay patuloy din ang paglakas ng pwersa.