![]()
Kasabay ng paggiit na nasa krisis na ang bansa, nagpahayag si Senador Bam Aquino ng suporta sa pagdedeklara ng state of national emergency upang makontrol ang patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin dulot ng paglobo ng halaga ng langis sa gitna ng kaguluhan sa Middle East.
Ayon kay Aquino, makatutulong ang hakbang upang matugunan ng pamahalaan ang epekto ng record-high na presyo ng langis at ang kasunod nitong pagtaas ng halaga ng bilihin, na maaaring magdulot ng mabigat na pasanin sa publiko at iba’t ibang industriya.
Sa ilalim ng state of national emergency, maaaring gamitin ng Pangulo ang mas malawak na kapangyarihan upang ituon ang pondo ng gobyerno sa pagbibigay ng pinansyal at iba pang uri ng tulong sa iba’t ibang sektor, dagdagan ang pondo para sa repatriation ng overseas Filipino workers sa mga apektadong lugar, at magpatupad ng mga hakbang sa pagkontrol ng presyo.
Gayunpaman, binigyang-diin ni Aquino ang pangangailangang mahigpit na bantayan ang pagpapatupad ng mga hakbang na ito upang matiyak na ang tulong ay makarating sa mga dapat makinabang at maiwasan ang anumang pang-aabuso o iregularidad.
Inulit din ni Aquino ang kanyang panawagan para sa tulong pinansyal sa mga transport worker, micro, small, and medium enterprises (MSMEs), at apektadong sektor ng middle class upang mapanatiling umaandar ang ekonomiya.
