Kinumpirma ni Senador Risa Hontiveros na may mga nagtangkang isabotahe ang ginagawa nilang imbestigasyon sa mga sinasabing pang-aabuso ng lider ng Kingdom of Jesus Christ na si Pastor Apollo C. Quiboloy.
Ayon kay Hontiveros, may mga lumapit sa kanilang tanggapan at nagpanggap na mga tiwalag na miyembro ng sekta ni Quiboloy at nagpahayag ng kahandaang tumestigo laban sa kanilang dating lider.
Subalit natuklasan na nais lamang ng mga itong guluhin ang kanilang pagdinig at palabasin na gawa-gawa lamang ang lahat ang mga alegasyon.
Bukod dito, tumanggap ng mga masasakit at mapanirang salita sa social media ang dalawa sa humarap na testigo bukod pa sa kinilala ang mga ito ng mga pinaniniwalaang tagasuporta ni Quiboloy.
Tiniyak naman ni Hontiveros na hindi sila magpapatinag at itutuloy ang pagdinig kung saan haharap ang mga bagong testigo sa araw ng Lunes.
Samantala, kinumpirma ni Hontiveros na hiniling na nila sa liderato ng Senado na magpalabas na ng subpoena laban kay Quiboloy upang maobliga itong dumalo sa susunod na pagdinig.