Hindi tatalikuran ni Senate President Francis “Chiz” Escudero ang pagkakataon at responsibilidad na maging lider ng Senado kung siya pa rin ang pipiliin ng kanyang mga kasamahan.
Sinabi ni Escudero na nakahanda siya sa anumang posibleng mangyari sa pagbubukas ng 20th Congress sa July 28.
Nitong Martes ay kasama ni Escudero sa pananghalian sina Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada at incoming Sen. Rodante Marcoleta.
Gayunman, nilinaw niyang hindi nila pinag-usapan ang isyu ng liderato sa Senado kasabay ng pagsasabing kaibigan naman niya ang mga ito.
Normal lang naman aniyang nagsasama-sama silang magkakaibigan at mag-usap ng iba’t ibang bagay.
Sa tanong kung kumpiyansa pa ring pamumunuan niya ang 20th Congress, sinabi ni Escudero na hindi na ito kuwestiyon kung kumpiyansa o hindi dahil mangyayari naman aniya ang mangyayari.
Iginiit din niya na hindi maituturing na panliligaw ang mga komunikasyon niya sa mga senador lalo na sa mga bagong magiging miyembro ng Senado dahil nakikitungo lamang siya.