Naniniwala si Sen. JV Ejercito na normal at bahagi ng demokrasya sa Senado ang minsang hindi pagkakaunawaan at pagsasagutan ng ilang senador.
Ginawa ni Ejercito ang reaksyon kasunod ng mainit na sitwasyon sa plenaryo kagabi kung saan nagkainitan, nagtaasan ng boses at halos magpang-abot sina Senators Juan Miguel Migz Zubiri at Senador Alan Peter Cayetano.
Sinabi ni Ejercito na minsan talaga ay may pagtatalo kapag may magkakaiba ng pananaw sa isang isyu.
Si Ejercito ang isa sa mga unang umawat kina Zubiri at Cayetano kagabi na anya’y natapos din naman sa kapwa pagpapakumbaba ng dalawang senador at paghingi ng paumanhin sa isa’t isa.
Kinumpirma naman ni Zubiri na nagkaayos na sila ni Cayetano at nagkaliwanagan na rin sila kagabi kaya’t naidopt na rin ang Concurrent Resolution 23 na nananawagan na bigyan ng karapatan ang sampung enlisted men’s barrio o’ EMBO barangay na makaboto ng kanilang congressional representatives sa 2025 midterm elections.
Inamin ni Zubiri na nagkaroon siya ng misimpression sa isinusulong na resolution na kung naipaliwanag agad sana sa kanya ay hindi na umabot sa ganun ang sitwasyon.
Iginiit pa ni Zubiri na kung dumaan sa caucus at consultation ang resolution ay hindi na sana niya ito kinuwestyon. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News