dzme1530.ph

Pamilya ng mga namatayan at nakaligtas sa ramming incident sa Bajo de Masinloc, humingi ng tulong sa gobyerno

Umapela ng tulong ang pamilya ng nasawing tatlong mangingisda gayundin ang mga nakaligtas sa naganap na ramming incident sa Bajo de Masinloc.

Ayon kay Melanie Mejico, misis ng isa sa nasawing si Romeo Mejico Jr, wala pang lumalapit sa kanila upang mag-abot ng tulong matapos ang insidente.

Lima aniya ang anak nila na naulila, bukod pa sa kanyang pinagbubuntis ngayon.

Nanawagan naman si Jhonny Manlolo, isa sa mga nakaligtas sa insidente, na kahit papaano sana ay maisalba at magawan ng paraan ang kanilang tumaob na bangka, bagaman kakaunti lang ang damage o sira nito.

Samantala, ayon sa tagapagsalita ng PCG na si Coast Guard Rear Admiral Arman Balilio, patuloy ang kanilang ginagawang imbestigasyon sa nangyaring banggaan.

Inaalam na rin aniya ng panig ng PCG kung sinadya ba o hindi ang pangyayari na naganap sa loob mismo ng Exclusive Economic Zone ng Pilipinas.

Dagdag pa ni Balilio, mahirap manghusga, ngunit inaasahan ng PCG na lalabas din ang resulta sa imbestigasyon kung sinadya din ba na iwan at hindi tinulungan ang mga biktima. –sa ulat ni Felix Laban, DZME News

About The Author