dzme1530.ph

Pamilya ng amo ng minaltratong kasambahay, ipinasa-subpoena ng Senado

Inaprubahan ng Senate Committee on Justice and Human Rights ang pagpapalabas ng subpoena laban sa mga amo ng minaltratong kasambahay na si Elvie Vergara.

Sa mosyon ni Sen. Jinggoy Estrada, inatasan ni Committee Chairman Francis Tolentino ang secretariat na mag-isyu ng subpoena para sa susunod na pagdinig nina Pablo Ruiz, asawang si France at mga anak na sina Jerry at Danica.

Ikinairita ni Estrada ang excuse letter ng pamilya na hindi makakadalo sa pagdinig dahil sa medical condition.

Sa pagharap sa Senado, sinabi naman ni Vergara, na hindi na makakita ang dalawang mata, makailang beses itong sinaktan ng kanyang mga employers sa magkakahiwalay na pagkakataon sa loob ng tatlong taon.

Bukod sa pananakit ay hindi rin nakakatanggap ng sahod si Vergara at pinakakain lamang ito ng tira-tirang pagkain ng kanyang employers.

Ayon kay Tolentino, kung makakaiwas ang pamilya sa Senado ay hindi naman maisasantabi ang kasong serious physical injuries, illegal detention, at paglabag sa Republic Act 10361, o ang Batas Kasambahay na isinampa sa Office of the City Prosecutor sa Batangas City.

Sinabi pa ni Tolentino na tutulong sa kaso ni Vergara ang tatlong abogado nito para matiyak na mapapanagot ang mga abusadong employers. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author