dzme1530.ph

Pamamahala sa isa sa pinakamahalagang komite sa Senado, napunta sa kaalyado ni dating PRRD

Loading

Naihalal na ang mga chairman ng mayorya ng mga komite sa Senado.

Napunta sa neophyte senator at kaalyado ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na si Senador Rodante Marcoleta ang pamumuno sa isa sa pinakamahalagang komite, ang Committee on Accountability of Public Officers and Investigations o mas kilala bilang Blue Ribbon Committee.

Ibinigay din kay Marcoleta ang pamumuno sa Committee on Trade and Commerce.

Samantala, apat na komite ang pamumunuan ni Senador Alan Peter Cayetano: Committees on Accounts; Higher and Technical Education; Justice; at Science and Technology.

Tig-tatlong komite naman ang pamumunuan nina Senators Pia Cayetano, Robin Padilla, Imee Marcos, at Bong Go.

Napunta kay Pia Cayetano ang Committee on Energy; Sustainable Goals and Development; at Ways and Means. Pamumunuan naman ni Padilla ang Committees on Constitutional Amendments and Revision of Codes; Cultural Communities and Muslim Affairs; at Public Information and Mass Media.

Pamumunuan ni Marcos ang Committees on Cooperatives; Foreign Relations; at Labor, habang napanatili ni Go ang pamumuno sa Health and Demography; Sports; at Youth.

Si Senador Erwin Tulfo naman ang mamumuno sa Committees on Games and Amusement at Social Justice, habang si Senador JV Ejercito sa Committees on Local Government at Tourism.

Napanatili naman ni Senador Raffy Tulfo ang pamumuno sa Committees on Migrant Workers at Public Services. Napanatili rin ni Senador Jinggoy Estrada ang Committee on National Defense; si Senador Ronald “Bato” dela Rosa sa Committee on Public Order; at si Senador Mark Villar sa Committee on Public Works.

Ang neophyte senator na si Camille Villar ang mamumuno sa Senate Committee on Environment, habang ang nagbabalik-Senado na si Senador Kiko Pangilinan ang hahawak sa Committee on Agriculture at si Senador Bam Aquino naman sa Committee on Basic Education.

Samantala, ang isa rin sa pinakamahalagang komite, ang Senate Committee on Finance, ay pamumunuan ngayon ni Senador Sherwin Gatchalian.

About The Author