Inihayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na ang pamamahagi sa mahihirap na pamilya ng mga nasabat na smuggled na bigas ay patunay na seryoso ang pamahalaan sa pagsugpo sa smuggling.
Sa distribusyon ng 1,000 sako ng smuggled na bigas sa Maynila ngayong Martes, sinabi ng Pangulo na ang kinumpiskang bigas mula Zamboanga City ay napatunayang hindi dumaan sa ligal na proseso ng importasyon.
Bago kumpiskahin ay dumaan umano ito sa tamang proseso ng imbestigasyon at inspeksyon, upang masigurong ligtas itong ipamahagi sa mamamayan kaysa masayang.
Kaugnay dito, iginiit ng Pangulo na magsisilbi itong babala sa lahat ng mga smuggler at hoarder, na nakabantay ang gobyerno sa bigas.
Inamin naman ni Marcos na tumatayo ring Agriculture Sec., na hindi malalaman ang estado ng suplay ng bigas sa bansa kung magpapatuloy ang smuggling. –sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News