Tiniyak ng pamahalaan na pagkakalooban ng kinakailangang tulong ang mga Pilipino na inaresto sa Qatar bunsod ng umano’y pakikibahagi sa unauthorized public rally.
Sa statement, inihayag ng Department of Migrant Workers (DMW) na mahigpit silang nakikipag-ugnayan sa Qatari Authorities para mamonitor ang kaso at matiyak ang kapakanan ng mga nakaditineng Pinoy.
Una nang kinumpirma ng Department of Foreign Affairs na 17 Pilipino ang ikinulong sa isang Police Station, matapos lumahok sa rally upang ipakita ang kanilang suporta kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Pinaalalahanan naman ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac ang lahat ng OFWs na sumunod at irespeto ang mga batas at tradisyon ng kanilang host countries, partikular sa paglulunsad ng mga pagtitipon at pagpapahayag ng pananaw sa politika, upang maiwasan ang kahalintulad na insidente. — ulat mula kay Tony Gildo