dzme1530.ph

Palasyo iimbestigahan ang iba pang infrastructure projects ng Discaya companies

Loading

Nakatakdang imbestigahan ng Malacañang ang iba pang government infrastructure projects ng isa sa mga kumpanya ng mag-asawang Curlee at Sarah Discaya.

Ito’y matapos madismaya sina First Lady Liza Araneta-Marcos at Palace Press Officer Claire Castro dahil sa hindi pa natatapos na Philippine Film Heritage Building sa Intramuros, Maynila.

Ang gusaling ito ay nakatakdang magsilbing headquarters ng Film Development Council of the Philippines.

Nabatid na ang proyekto ay inaward ng Department of Public Works and Highways–South Manila Engineering District sa Great Pacific Builders and General Contractor Inc., na may contract cost na ₱143.22 milyon.

Batay sa project profile na ipinrisinta ni Castro, mayroon na itong revised contract amount na ₱107.9 milyon.

Ayon sa opisyal ng Palasyo, dapat ay nakumpleto na kahapon ang gusali ngunit nananatiling hindi tapos ang ilang bahagi nito. Sa inspeksiyon, nadiskubre rin ang ilang trabaho na hindi pumasa sa quality standards.

About The Author