Itinanggi ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas ang impormasyon na nagkaroon sila ng pulong kasama ang kampo ng Liberal Party.
Sinabi ni Alyansa Campaign Manager Rep. Toby Tiangco, solido ang Alyansa slate sa pagsusulong ng mga programa at adbokasiya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr..
Wala aniyang pulong na naganap sa pagitan niya at nina dating Sen. Bam Aquino at Kiko Pangilinan.
Una nang lumutang ang impormasyon na ikinukunsidera ng Alyansa na isama sa kanilang slate sina Aquino at Pangilinan.
Magiging kapalit umano sila nina Sen. Imee Marcos na una nang nag-anunsyo ng pagkalas sa Alyansa at ni Cong. Camille Villar na ilang campaign rallies na rin ng koalisyon ang hindi dinaluhan.
Sa mga naunang pahayag ni Tiangco, iginiit na nirerespeto nila ang desisyon ni Marcos habang si Villar ay nananatili sa kanilang slate at katunayan ay dumalo pa ito sa huli nilang pulong.