Tinawag na unprofessional ni Sen. Joel Villanueva ang naging aksyon ng ilang tauhan ng National Bureau of Investigation na nakipagselfie at nagpalitrato kay dismissed Bamban Tarlac Mayor Alice Guo habang nasa Indonesia.
Tanong pa ni Villanueva kung talaga bang gusto ng mga alagad ng batas na magpapicture sa isang pugante na nahaharap sa sandamakmak na kaso sa bansa.
Ang reaksyon ng senador ay kasunod ng mga larawan ni Alice Guo na nasa loob ng isang sasakyan kasama ang tatlong babaeng NBI agents at isa pang lalaking tauhan din ng NBI.
Bukod pa ito sa isa pang larawan na may isang NBI officer na nagpaselfie kasama si Guo at DILG Sec Benhur Abalos matapos ang press conference sa Indonesia.
Sa deskripsyon pa ni Villanueva ay tila ginawang K-Pop celebrity ng high ranking govt officials si Alice Guo at labis anyang nakakahiya na tila umakto ang mga ito na BINI Blooms o grupo ng mga fans ng isang girl group.
Naglabas naman ng paalala si Sen. Risa Hontiveros sa mga kawani ng pamahalaan na si Alice Guo ay isang pugante at hindi isang celebrity.
Iginiit pa ni Hontiveros na nahaharap si Guo sa mga kasong human trafficking, money laundering at graft and corruption. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News