dzme1530.ph

Pakahulugan ng employment, masyadong malawak kaya’t mataas ang employment rate

Bagama’t tama ang datos na ibinigay ng Philippine Statistics Authority hinggil sa employment rate na 95.7%, kwestyonable para kay Senador Imee Marcos ang naging definition ng ahensya kaugnay sa employment.

Sinabi ni Marcos na batay sa pakahulugan ng PSA sa employment, kasama sa sektor na ito ang mga wage and salary workers gayundin ang mga self—employed na wala namang katiyakang may buwanang kita.

Kasama ring itinuturing ng PSA na saklaw ng employment ay ang unpaid family workers gaya ng mga nanay o housewives na nagtatrabaho sa loob ng bahay na wala namang sweldo.

Saklaw din ng naturang depinisyon ang mga may-ari ng sariling negosyo na hindi rin naman palagiang may kita lalo na kung tinamaan ng kalamidad.

At ang pinakamalalang saklaw pa nito ay ang mga indibidwal na nagtrabaho kahit isang araw lang sa loob ng tatlong buwan o isang oras sa nakalipas na buwan.

Iginiit ng senadora na kung ganito ang pagkahulugan sa employment ay talagang mataas ang magiging datos nito.

Naniniwala naman ang mambabatas na hindi na kailangan ng batas upang linawin ang definition ng employed at alam naman anya ng PSA ang makatotohanang sitwasyon ng bansa. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author