dzme1530.ph

Pahayag ni Alice Guo na walang Pinoy na tumulong sa kanilang makatakas sa bansa, hindi kapani-paniwala

Hindi kumbinsido si Sen. Sherwin Gatchalian sa pahayag ni dismissed Bamban, Tarlac mayor Alice Guo na walang Pilipinong tumulong sa kanya para makatakas palabas ng bansa.

Sinabi ni Gatchalian na imposibleng makalabas ng bansa nang walang sinumang tutulong sa kanila bukod sa isa anyang nagfacilitate ng kanilang biyahe mula sa pagsakay ng yate at paglipat ng barko bago nakarating sa Malaysia.

Sa susunod aniyang pagdinig, iisa-isahin niya ang naging inconsistencies sa mga pahayag nina Alice at Shiela kaugnay sa naging pagtakas nila sa bansa.

Nanindigan din si Gatchalian na matibay ang kanilang mga hawak na dokumento kaugnay sa mga pumasok at lumabas na pera sa account ng kumpanya ni Alice Guo at sa kanyang personal na account upang madiin siya sa kanyang partisipasyon sa operasyon ng POGO sa Bamban, Tarlac.

Bukod sa records sa bank accounts, malinaw din anyang ebidensya ang pagbabayad ni Alice Guo ng konsumo sa kuryente ng POGO hub kahit noong siya ay alkalde na.

Lumabas din anya sa mga dokumento na may nagfinance sa pagtatayo ng POGO hub sa Bamban na dumaan sa accounts ni Alice Guo at ang kailangan na lamang nilang tukuyin ay kung sino ito. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author