dzme1530.ph

Pahayag ng PAGCOR na walang lisensya ang ilang POGO na ni-raid ng mga awtoridad, kinontra ng senador

Nanindigan si Sen. Sherwin Gatchalian na ilan sa mga POGO na ni-raid ng mga awtoridad ay lisensyado ng Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR) taliwas sa pahayag ng ahensya.

Kabilang dito ang mga ni-raid noong nakaraang taon tulad ng Colorful and Leaf Group, isang sublessee ng PAGCOR-licensed CGC Technologies sa SunValley sa Clark Pampanga; Smartweb Technology Corp.; at Rivendell sa Pasay City.

Ipinaalala ni Gatchalian na lahat ng mga ito ay sangkot sa human trafficking, illegal detention, torture, iba’t ibang anyo ng online fraud at scamming, at prostitusyon.

Ang Hongsheng Gaming Technology at Zun Yuan Technology na matatagpuan sa Bamban, Tarlac ay mayroon ding lisensya mula sa PAGCOR noong ni-raid ang mga ito.

Ibinunyag ng senador na batay sa mga opisyal na dokumento, nagsagawa ng inspeksyon ang PAGCOR sa Hongsheng at maging sa Zun Yuan bago isagawa ang mga raid kung saan idineklara ng ahensya na wala silang nakitang iregularidad.

Ang POGO naman anya sa Porac, Pampanga, may katibayan ang mga awtoridad na konektado ito sa Hongsheng na lisensyado ng PAGCOR.

Puna pa ng senador na tila nahawa na ang PAGCOR kay Mayor Alice Guo at hindi na naalala na ‘yung ibang nare-raid na POGO ay lisensyado nila mismo.

Iginiit pa ng senador na ang tahasang kabiguan ng PAGCOR na i-regulate ang industriya ng POGO ay humantong sa sitwasyon kung saan ang mga POGO ay naging banta sa ating lipunan.

About The Author