Kinontra ni Senate Committee on National Defense Chairman Jinggoy Estrada ang panawagan ni Congressman Pantaleon Alvarez sa militar na bawiin na ang suporta kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ito ay bilang pagtutol ng kongresista sa paraan ng pagharap ni Pangulong Marcos sa usapin sa West Philippine Sea.
Binigyang-diin ni Estrada na ginagawa ni Pangulong Marcos ang lahat upang protektahan ang teritoryo ng Pilipinas.
Kasabay nito, iginiit ng senador na dapat ding bigyang atensyon ng Pilipinas ang ating alyansa sa iba pang mga bansa at hindi lang sa China.
Idinagdag pa ng senador na walang magandang maidudulot kung sa China lamang makikipag-usap ang bansa lalo na’t paulit-ulit ang pambubully nila sa tropa ng mga Pilipino.
Kaugnay nito, bukas rin si Estrada na talakayin sa pinamumunuan niyang Senate Committee on National Defense ang sinasabing ‘gentleman’s agreement’ ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa China kaugnay ng rehabilitasyon ng BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.