![]()
Nanindigan si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na hindi sapat ang pag-veto ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr sa P92.5-bilyon na unprogrammed appropriations para sa tunay na transformative budget.
Sinabi ni Cayetano na matapos lagdaan ng Pangulo ang 2026 General Appropriations Act, muling nagsisilutangan ang mga isyung matagal na niyang binibigyang-diin patungkol sa direksyon at prayoridad ng paggastos ng pamahalaan.
Binigyang-diin niya na sa laki at lalim ng mga problema ng bansa, ang kailangan ay mas “decisive” at komprehensibong mga solusyon.
Iginiit ni Cayetano na maituturing itong extraordinary budget na may extraordinary problems na dapat ay may extraordinary solution.
Isa sa paulit-ulit na tinukoy ni Cayetano ang hindi pantay na development spending, kung saan nananatiling sentro ang Metro Manila habang maraming rehiyon ang patuloy na napapabayaan.
Nagbabala rin siya na ang kakulangan ng pondo para sa development ng rural areas, mass transportation sa labas ng Luzon, climate adaptability, at LGU support ay patuloy na nagpapahina sa mga lokal na pamahalaan na nasa frontline pa man din ng paghahatid ng serbisyo sa mga komunidad.
Isa pang matagal nang dinidiinan ni Cayetano ay ang krisis sa child stunting, na aniya’y isang pambansang emergency na may pangmatagalang epekto sa lakas-paggawa at productivity ng buong bansa.
