dzme1530.ph

Pagveto ni PBBM sa Citizenship bill sa isang Chinese na ikokonekta sa POGO, maituturing na pagpapahalaga sa integridad ng gobyerno

Loading

IKINATUWA ni Senadora Risa Hontiveros ang pag-veto ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa panukalang gawaran ng Filipino citizenship si Li Duan Wang, isang Chinese national na umano’y may koneksyon sa ilegal na POGO operations.

 

Ayon kay Hontiveros, ang desisyong ito ay isang mahalagang hakbang para mapanatili ang kabanalan at integridad ng ating pagkamamamayang Pilipino.

 

Sinabi ni Hontiveros na sa simula pa lamang ay tutol na siya sa panukala makaraang matuklasan na may ilang taxpayer IDs si Wang, may ugnayan sa ilegal na POGO operations, at konektado umano sa isang grupong may kaugnayan sa Chinese Communist Party.

 

Ipinaliwanag ng mambabatas na hindi ito simpleng mga isyu o teknikalidad kasabay ng paalala na ang pagbibigay ng citizenship kay Wang sa kabila ng mga babalang ito ay magpapadala ng maling mensahe at maaaring maging bad precedent para sa mga susunod na aplikasyon.

 

Kasabay nito, nanawagan din siya ng patuloy na imbestigasyon laban sa mga mapagsamantalang personalidad sa industriya ng POGO na posibleng gumagamit ng ating mga batas para sa pansariling kapakinabangan at naglalagay sa panganib ng pambansang seguridad.

About The Author