Kinumpirma ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada na may mga hakbang na silang isinasagawa upang maituring bilang cybercrime offense na may mabigat na parusa ang pagpapakalat ng fake news o maling impormasyon sa social media.
Katunayan ay nagsimula na aniya ang pagdinig ng Senate Committee on Public Informationa and Mass Media sa mga panukala kaugnay nito na sisikapin nilang gawing batas.
Isa na rito ang inihain niyang Senate Bill 1296 na nagsusulong na maidagdag ang pagkakalat ng fake news bilang krimen sa ilalim ng Cybercrime Prevention Act of 2013 at may parusang anim (6) hanggang 12 taong pagkabilanggo.
Naninidigan si Estrada na napapanahon nang patawan ng mabigat na parusa ang pagpapalaganap ng peke o imbentong impormasyon na ginawa na ring hanapbuhay ng ilan dahil inililigaw nito ang publiko at nagiging dahilan din ng kaguluhan at pagkakawatak-watak.
Inihalimbawa ng senador ang babaeng vlogger na inaresto ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation sa Cebu na umaming pinagkakitaan ang pagpopost sa social media na pinagmumukang pinayagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na maging ligal ang droga na wala namang katotohanan.
Binanggit din ang resulta ng survey ng Social Weather Stations na nagsasabing 59% ng mga Filipino ang naniniwala na seryosong problema na ang fake news sa internet at social media habang 65% ang nagsabi na nahihirapan silang tukuyin kung peke o mali ang nakikitang impormasyon.