Kinontra ni Sen. Panfilo Lacson ang pahayag ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan na ang ghost flood control projects sa unang engineering district ng Bulacan ay isolated case lamang.
Ayon kay Lacson, sa pagsisiyasat sa kasakiman at korapsyon sa likod ng ilang palpak at ghost flood control projects, ipinag-utos niya sa kanyang staff na magsagawa ng case studies hindi lamang sa Bulacan kundi pati na rin sa Mindoro at iba pang lugar.
Binigyang-diin ng senador na ngayon ang tamang panahon para magsagawa ang DPWH ng masusing internal audit ng lahat ng kanilang proyekto, simula sa mga flood control projects.
Ipinaalala ni Lacson na kapag sinabing isolated case, maituturing itong defense mechanism na nangangahulugang walang planong magsagawa ng malawakang imbestigasyon.
Nang tanungin kung posible bang hindi alam ng DPWH head office ang lahat ng impormasyon dahil sa presensya ng mga “sindikato,” sinabi ni Lacson na responsibilidad pa rin ni Bonoan na kumilos.
Dagdag pa ni Lacson, umaasa siya na ang fraud audit na isinasagawa ng Commission on Audit (COA) ay magiging “comprehensive and extensive enough” upang makita ng publiko kung paano ginastos ang kanilang buwis.