Tiniyak ng Department of Finance (DOF) na tututukan ng gobyerno ang pagtugon sa learning gaps o mga agwat sa edukasyon na ibinunga ng COVID-19 pandemic.
Ito ay upang masiguro ang pagpapalakas ng economic productivity.
Sa kanyang talumpati sa 56th founding anniversary ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila, inihayag ni Finance Sec. Benjamin Diokno na ang pag-iinvest sa publiko ay lilikha ng malaking kapakinabangan hindi lamang sa mamamayan ngunit sa buong ekonomiya.
Kaugnay dito, sinabi ni Diokno na lulubusin ng pamahalaan ang pag-iinvest sa imprastraktura, digitalization, at human capital development upang mapabilis ang paglago ng ekonomiya tungo sa social at economic transformation, alinsunod sa mithiin ng Philippine Development Plan 2023-2028.
Matatandaang dahil sa mga ipinatupad na lockdown bunga ng COVID-19, ipinatupad ang online at distance learning sa loob ng ilang taon na nagpababa ng kalidad ng edukasyon ng maraming mag-aaral. —sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News