Kinumpirma ni Senate Majority Leader Joel Villanueva na magsasagawa sila ng caucus ngayong linggo upang talakayin ang panukala na pagtatatag ng Department of Water Resources.
Sa ikalawang State of the Nation Address (SONA) kahapon ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr, isa sa mga nabanggit ang paglikha ng isang departamento na mangangasiwa sa suplay ng tubig ng bansa.
Sinabi ni Villanueva na bagamat hindi ito kasama sa 20 Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) priority bills ay tiyak na ipaprayoridad ito ng Senado.
Bukod sa naturang panukala ay posibleng talakayin din sa caucus ang iba pang mga kahilingang batas ni Pangulong Marcos na hindi orihinal na nakasama sa priority bills.
Sinabi naman ni Senate Committee on Public Services Chairman Grace Poe na ang pagbanggit dito ng Pangulo ay malinaw na nais niya itong bigyan ng prayoridad.
Dahil dito, mas lalong nagkaroon ng rason para maitulak ang panukala sa kanyang kumite na siya mismo ang didinig.