![]()
Muling nanawagan si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano para sa pagtatatag ng isang centralized Emergency Response Department (ERD) sa gitna ng sunud-sunod na bagyo sa bansa.
Ayon kay Cayetano, magaling at dedicated ang mga tao sa kasalukuyang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), ngunit dahil binubuo ito ng 44 na ahensya na ad hoc ang coordination, hindi ito sasapat para sa epektibong disaster response.
Sa ilalim ng panukala, pagsasamahin ang NDRRMC at Office of Civil Defense (OCD) sa ilalim ng bagong departamento.
Ang ERD ang mangangasiwa hindi lang sa humanitarian assistance, kundi pati sa disaster risk reduction bago pa ang kalamidad, at sa rehabilitation efforts pagkatapos nito.
Kabilang din sa mandato ng ERD ang pagpapatakbo ng 911 Nationwide Emergency Hotline at ang pagbuo ng Humanitarian Emergency Assistance and Disaster Fund (HEAD Fund) na kukuha ng hindi bababa sa 1% ng regular revenue ng gobyerno o ₱25 bilyon, alin man ang mas mataas, para agad magamit sa oras ng sakuna.
