![]()
TITIYAKIN ni Senate Committee on Social Justice, Welfare, and Rural Development chairman Erwin Tulfo na matatanggal na ang unnecessary requirements at pamumulitika sa pamamahagi ng ayuda ng gobyerno.
Sinabi ni Tulfo na dapat limitahan ang mga requirement sa pagkuha ng ayuda sa dalawa na lamang tulad ng ID at hospital bill.
Ayon kay Tulfo, ang pagpapadali sa pagkuha ng ayuda ay magpapatigil sa mga pulitiko na makialam sa proseso ng distribution.
Sa kasalukuyan, upang makakuha ng ayuda, kailangang magsumite ang ng valid ID, Certificate of Indigency mula sa barangay, Barangay Clearance, notarized affidavit, Social Case Study Report, at sa ilang pagkakataon, marriage certificate.
Iginiit din ni Tulfo sa Department of Interior and Local Government (DILG) na pabilisin ang pagpapakalat ng impormasyon na naglilinaw na nagbabawal sa mga politiko na makialam sa pamamahagi ng ayuda.
Agad namang tumugon ang DILG sa panawagan ni Tulfo sa pamamagitan ng paglalabas ng Memorandum Circular No. 2026-066, na nagbabawal maglagay ng pangalan o larawan ng mga opisyal ng gobyerno sa anumang proyekto na pinopondohan ng gobyerno.
Isa si Tulfo sa nagsusulong ng pinaigting na kampanyang “anti-epal” upang pigilan ang mga pulitiko sa pakikilahok at pag-angkin sa mga ayuda ng gobyerno bilang sarili nilang proyekto.
