dzme1530.ph

Pagtatanggal ng mga disenyo sa mga klasrum na nagsisilbing distractions sa mga estudyante, suportado ng isang senador

Suportado ni Senate Committee on Basic Education chairman Sherwin Gatchalian ang kautusan ni Education Secretary at Vice President Sara Duterte na alisin ang mga disenyong nakakabit sa mga pader ng mga silid-aralan na nakakaistorbo lamang sa pag-aaral.

Sinabi ni Gatchalian na dapat mapanatili ang kalinisan at kaayusan sa loob ng mga classroom upang maging kaaya-aya ang pag-aaral ng mga estudyante.

Gayunman, aminado ang senador na malaking tulong din sa mga estudyante ang ibang mga ikinakabit na disensyo sa mga silid aralan tulad ng mga ABC, 123 at iba pang pangunahing larawan na makatutulong sa mga Kindergarten hanggang Grades 1 to 3.

Dahil dito nasa desisyon anya ng guro kung anong mga disenyo ang dapat na inilalagay sa mga classroom upang hindi naman maging distraction sa mga estudyante.

Samantala, tiwala si Gatchalian na handang-handa na ang mga paaralan sa pagbubukas ng school year 2023-2024 ngayong araw na ito.

Ito ay sa kabila ng kinakaharap na problema sa kakulangan ng mga classrooms at guro.

Tiwala ang senador na alam na ng mga guro ang kanilang gagawin upang matugunan ang mga problemang ito. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author