Nilinaw ni Senate Committee on National Defense and Security Chairman Jinggoy Estrada na hindi kontra sa bagong batas na Republic Act 11939 o ang fixed term sa AFP chief of staff ang paghirang ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr kay Lt. Gen. Romeo Brawner bilang bagong pinuno ng Sandatahang Lakas.
Sinabi ni Estrada na malinaw sa probisyon ng batas na maximum tour of duty ng AFP chief of staff ay tatlong taon, unless sooner terminated by the President o bawiin na ng Pangulo nang mas maaga.
May probisyon din sa batas na awtomatikong retired ang AFP chief of staff kapag natapos na nito ang kanyang tour of duty o kapag ni-relieve na siya ng Pangulo.
Sa dalawang probisyong ito, sinabi ni Estrada na malinaw na kinikilala ang prerogative ng Pangulo sa pagpili sa hihiranging opisyal.
Binigyang-diin ni Estrada na nagampanan na nang maayos ni General Andres Centino ang kanyang tungkulin at iiwan ang AFP nang mas maayos kay Lt. Gen. Brawner.
Kumpiyansa rin naman si Estrada na pamumunuan ni Brawner ang AFP nang may integridad, professionalism at honor.
Sa buong military career anya ni Brawner ay pinatunayan na nito na isa siyang capable military leader lalo pa’t kung ang batayan ay ang kanyang karanasan sa iba’t ibang posisyon sa AFP. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News