dzme1530.ph

Pagtatalaga kay Amb. Locsin bilang Special Envoy, magbubukas ng magandang ugnayan sa Pilipinas at China

Tiwala si Senador Jinggoy Estrada na sa pagtatalaga kay Ambassador Teodoro Locsin Jr. bilang special Envoy sa Tsina ay magbubukas ng magandang ugnayan sa pagitan ng Pilipinas at China.

Inilarawan ni Estrada si Locsin bilang mahusay na diplomat at communicator.

Idinagdag ng senador na dahil sa malalim na pang-unawa sa diplomatic protocol, international relations at iba’t ibang isyu ay tiyak na makakatulong si Locsin sa pagtaguyod ng mutual understanding at common ground o pagkakasundo ng Pilipinas at China.

Bagamat sa ngayon ay hindi pa malinaw ang lawak ng kapangyarihan na iginawad ni Pangulong Bongbong Marcos kay Locsin, kumpiyansa si Estrada na magagamit nito sa bagong tungkulin ang kanyang mayaman na karanasan mula sa pagiging DFA Secretary hanggang Philippine Ambassador to the United Nations.

Ang tagumpay anya ni Locsin ay nakadepende sa abilidad niyang saliksikin ang mga detalye ng international diplomacy, epektibong komunikasyon at ang kakayahang magkaroon ng productive atmosphere para makapagsagawa ng dayalogo ang dalawang bansa.

Samantala, umaasa si Senador Risa Hontiveros na hindi matitinag ng China si Locsin at gagamitin nito ang kanyang posisyon para maigiit ang 2016 Arbitral Ruling na pumapabor sa soberanya ng Pilipinas sa West Philippine Sea.

Naniniwala rin ang senadora na makikita sa track record ni Locsin ang malakas at balanseng posisyon sa China kahit pa nagsilbi ito noon sa dating administrasyong Duterte na kilalang kaalyado ng China. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author