dzme1530.ph

Pagtataas ng bahagi ng NLEX sa harap ng matinding pagbaha, hahanapan pa ng pondo ng DPWH

Maghahanap pa ng pondo ang Department of Public Works and Highways para sa pagtataas ng bahagi ng North Luzon Expressway, sa harap ng naranasang matinding pagbaha bunga ng bagyong Egay, Falcon, at habagat.

Sa press briefing sa Palasyo, inihayag ni DPWH Sec. Manuel Bonoan na inatasan na silang i-angat ng 0.7 meters ang tulay na tumatawid sa ibabaw ng NLEX, habang ang pamunuan na ng NLEX ang magtataas ng kanilang carriage way.

Gayunman, sinabi ni Bonoan na inaasahang aabutin pa ng ilang linggo bago mahanapan ng pondo ang proyekto.

Sa kabila nito, nilinaw ng kalihim na hindi magiging mabigat ang trabaho sa pagtataas ng tulay, at sa oras na makakuha sila ng pondo ay nakikitang matatapos din ito sa loob ng ilang buwan.

Matatandaang inaprubahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pagtataas sa bahagi ng NLEX sa San Simon Pampanga, kasunod ng matagal na paghupa ng baha na nagdulot ng mala-delubyong trapiko sa nasabing expressway. –sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News

About The Author