Labag sa batas ang pagtanggap ng MMDA sa P200,000 na pabuya mula kay dating Ilocos Sur Gov. Luis “Chavit” Singson para sa traffic enforcers na sumita sa kanyang convoy dahil sa paggamit ng EDSA Busway.
Ayon kay Civil Service Commission (CSC) Commissioner Aileen Lizada, ang naturang hakbang ay iligal, batay sa Sec. 7 ng Republic Act no. 6713 o ‘The Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees’.
Alinsunod sa batas, hindi dapat tumanggap ang mga public official at employees ng anumang regalo, pabor, o pera mula sa sinuman habang sila ay nasa trabaho.
Ipinaliwanag ni Lizada na bayad na sila sa pamamagitan ng kanilang suweldo na mula sa buwis ng taumbayan, at hindi na kailangang bigyan pa sila ng reward dahil sa ginagawa nila ang kanilang tungkulin.
Sa press briefing, kinumpirma ni MMDA Chairperson Romando Artes na tinanggap ng ahensya ang reward money na ibinigay ni Singson, bagaman ang pera aniya ay ilalaan sa MMDA general funds.