dzme1530.ph

Pagtanggap ng PCG ng mga Chinese na Auxiliary members, target ipasilip sa Senado

Target ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa na ipasilip sa Senado ang naging proseso ng Philippine Coast Guard (PCG) sa pagtanggap sa 36 na Chinese nationals bilang auxiliary o dagdag na pwersa.

Sinabi ni dela Rosa na hindi niya nagustuhan ang pagre-recruit sa mga Chinese nationals bilang dagdag na pwersa sa PCG na ang ilan ay nabigyan pa ng mataas na posisyon.

Kahit anya sabihing hindi banta sa national security ang mga Chinese na ito ay hindi pa rin magandang tingnan dahil nag-iwan pa rin ito ng pinsala sa ating national pride matapos na payagang magsuot ng ating uniporme at binigyang pagkilala bilang auxiliary members ng PCG ang mga hindi naman Pilipino.

Sinabi ng senador na tatanungin niya ang PCG kung bakit ginawa ito at titimbangin kung kailangan pa ng mas matinding imbestigasyon sa isyu.

Una rito, inamin ni PCG Commandant Admiral Ronnie Gil na 36 na Chinese ang nagboluntaryo at tinanggap na maging bahagi ng PCG Auxiliary subalit inalis na rin ang mga ito matapos na bigong makapagbigay ng national security clearance.

Gayunman, inabot pa ng dalawa hanggang tatlong taon bago tinanggal sa listahan ang mga Chinese nationals sa PCG.

About The Author