dzme1530.ph

Pagtanggap ng commitment fee ng ilang mga mambabatas sa mga proyekto ng DPWH, idinetalye sa Senado

Loading

Idinetalye pa ni dating DPWH Undersecretary for Operations Roberto Bernardo ang mga transaksyon niya sa ilang personalidad kaugnay sa mga proyekto ng ahensya.

Sa kanyang supplemental affidavit, ilan sa mga binanggit ni Bernardo na tumanggap ng “commitment” o porsyento mula sa mga proyekto ay ang mga dating senador na sina Bong Revilla, Nancy Binay at Grace Poe, gayundin sina Senators Chiz Escudero at Jinggoy Estrada.

Binanggit din ni Bernardo ang mga kongresistang sina Mitch Cajayon-Uy, Rida Robes at Zaldy Co.

Ikinuwento ni Bernardo na 2005 pa nang maging malapit siya kay Revilla at inihayag na noong 3rd quarter ng 2024 ay nanghingi ang senador ng listahan ng mga proyektong ipapasok sa national budget kapalit ng 25 percent na commitment o porsyento.

Naisulong umano nila ang P1.5 bilyong halaga ng proyekto at kinumpirmang nagdala siya ng P125 milyon na nakalagay sa anim na carton boxes at isang paper bag sa bahay mismo ng dating senador, na nasundan pa ng P250 milyon bago magsimula ang kampanya noong Pebrero.

Noong 2022 naman, naibigay sa tauhan ni Binay na si Carlyn Yap ang 12% commitment para sa P1.882 bilyong halaga ng proyekto, habang noong 2024 ay nagbigay din ng 15% na commitment para sa P1.672 bilyong halaga ng proyekto.

Muli ring pinangalanan ni Bernardo si Escudero na tumanggap umano ng commitment na umaabot sa P160 milyon at P20 milyon sa pamamagitan ni Maynard Ngu sa mga proyekto sa Valenzuela City, Marinduque, Oriental Mindoro at Quezon City mula sa P1.4 bilyon na may 20% commitment.

Idinetalye rin ni Bernardo na nakatanggap si Estrada ng 18% commitment sa P500 milyong halaga ng proyekto noong 2023, habang nitong 2025 ay nakakuha ang senador ng 25% mula sa kabuuang P1.45 bilyong halaga ng proyekto, bukod pa sa P213 milyong commitment mula sa mga proyekto sa Bulacan.

Si Poe naman, aniya, ay nabigyan ng 25% commitment mula sa P500 milyong halaga ng proyekto na ipinadaan sa staff nitong si JY Dela Rosa.

Nagkaroon din umano ng pakinabang sa mga proyekto ng DPWH sina Cajayon-Uy, Robes at Co.

About The Author