dzme1530.ph

Pagtanggal ng fees sa foreign military allied forces ng PH na bumibisita sa Subic bay, inaprubahan ng SBMA

Pumayag ang Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) na i-waive o tanggalin na ang fees para sa military vessels ng mga bansa na itinuturing na allied forces ng Pilipinas na bumibisita sa Subic Bay.

Ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP), ang desisyon na ito ng SBMA ay resulta ng isinagawang pag-uusap sa pagitan ng matataas na opisyal ng militar at ng ahensiya para mapag-ibayo pa ang koordinasyon at streamline processes sa mga lugar na pinangangasiwaan ng SBMA.

Ayon kay Maj. Al Anthony Pueblas, tagapagsalita ng AFP-Northern Luzon Command (NOLCOM), ipinanukala mismo ni NOLCOM Commanding General Lt. Gen. Fernyl Buca ang pag-waive ng fees para sa foreign military vessels na iniimbitahan ng gobyerno ng Pilipinas sa pamamagitan ng defense at military offices.

Aniya, ang naturang hakbang ay bilang pagpapakita ng kanilang commitment sa pagpapalakas ng regional partnerships at collaboration.

Ayon pa kay Pueblas, ang nakagawiang pagtanggal ng fees para sa bumibisitang foreign military vessels ay ipinapatupad na dati pa ng SBMA subalit natigil dahil sa COVID-19 pandemic.

Kapag naipatupad na ito, matatanggal na ang fees na ipinapataw sa lahat ng barko ng Philippine Navy at foreign military vessels na iniimbitahan ng AFP. —sa ulat ni Jay de Castro, DZME News

About The Author