![]()
Isinantabi muna ng bicameral conference committee ang pagtalakay sa panukalang budget ng Department of Public Works and Highways para sa 2026.
Ayon kay Senate Finance Committee Chairperson Sherwin Gatchalian, kailangan pa nilang tapusin ang ongoing recomputation sa halaga ng mga materyales ng DPWH projects kasunod ng revised submission mula kay DPWH Secretary Vince Dizon.
Humingi ito ng paumanhin sa delay sa proseso, ngunit ipinaliwanag na natanggap lamang nila ang revised adjustment factors na ipapatupad sa 10,000 proyekto kahapon ng umaga.
Dahil dito, hiniling ni Gatchalian sa miyembro ng bicam panel na unahin muna ang panukalang pondo ng ibang ahensya tulad ng Department of Agrarian Reform at Department of the Interior and Local Government.
Pumayag naman ang House contingent, at tiniyak ni House Appropriations Panel Chairperson Rep. Mikaela Suansing na hihintayin nila ang pag-aaral ng Senado sa recomputed projects.
