Kinumpirma ni Senate President Francis Escudero na kasabay ng deliberasyon nila sa panukalang 2025 national budget ay bibigyang prayoridad din nila ang pagtalakay sa panukalang pagpapaliban sa kauna-unahang BARMM elections.
Sinabi ni Escudero na maghahain ito ng resolusyon para sa pagpapaliban ng Halalan na dapat ay isasagawa sa Mayo ng susunod na taon.
Ipinaliwanag ng senate leader na pangunahing dahilan nito ay ang desisyon ng Korte Suprema na nagdedeklara na hindi kasama sa BARMM ang lalawigan ng Sulu.
Iginiit ng senador na dapat munang ayusin ang magiging sistema sa BARMM bago isakatuparan ang halalan lalo pa’t pitong kinatawan sa rehiyon ang dapat na magmumula sa Sulu.
Sa sandaling maresolba aniya ito ay saka na dapat itakda ang halalan upang hindi magkaroon ng anumang kaguluhan.
Nilinaw din ni Escudero na ang pagsasagawa ng pagdinig sa suspensyon sa BARMM elections ay magiging exemption sa kanilang regulasyon na walang committee hearings, sa panahon ng deliberasyon sa panukalang national budget. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News