Inendorso na ni Sen. Robinhood Padilla ang panukala na nagsusulong na gawing ligal ang medical cannabis o medical marijuana.
Inilatag ni Padilla sa plenaryo ng Senado ang Senate Bill 2573 o ang proposed Cannabis Medicalization Act of the Philippines.
Sa kanyang sponsorship speech, sinabi ni Padilla na ang kanyang pagsusulong ng medical marijuana ay alinsunod sa mga pagaaral at testimonya ng mga doktor at mga eksperto sa iba’t ibang mga bansa na may sapat na kaalaman at pagsasanay para sa pagpapatupad nito.
Sa ilalim ng panukala, ang paggamit ng cannabis para sa medical purposes ay pinapayagan para gamutin o maibsan ang mga debilitating medical conditions ng isang qualified patient.
Mula sa pagbili, pagkuha, paghahatid, paggamit, pangangasiwa hanggang sa manufacturing ng mga private individual’s o entities ng medical cannabis para sa medical at research purposes ay saklaw at titiyakin din ng panukalang batas.
Lilikha rin ng Philippine Medical Cannabis Authority na siyang magiging regulatory agency at ang Medical Cannabis Advisory Committee na siyang tutulong sa pagbibigay ng direksyon para sa formulation, implementasyon at assessment sa mga polisiya, alituntunin at regulasyon ng medical cannabis.