Nabahala si Senate Majority Leader Joel Villanueva sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS) na tumaas sa 3.95 milyong pamilya ang nakararanas ng involuntary hunger sa unang quarter ng taon.
Sinabi ni Villanueva na kailangang tutukan ng gobyerno ang pagtugon sa pagtaas ng inflation at ang pagresolba sa kakapusan ng sahod ng mga manggagawa.
Inirekomenda ng senador na magpatupad ng mga polisiya upang maibaba ang inflation sa pamamagitan ng pagpapalakas ng domestic production ng basic commodities.
Kasama aniya rito ang pagpapaigting ng mga patubig na programa ng bansa at pagpapalakas ng ating agrikultura.
Kasabay nito, sinusuportahan ni Villanueva ang direktiba ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. na rebisahin ang kasalukuyang regional wages upang makatugon sa pangangailangan ng mamamayan.
Ipinaalala ng senador na patuloy din ang pagsusulong niya ng Senate Bill 2140 para sa pagtatatag ng sistema para matukoy ang living wage na dapat ipatupad sa bawat lugar.